Saturday, November 17, 2012

Kitchen diaries

Hindi naman pala mahirap magluto.  Bakit nga ba iniwasan ko ang kusina ng ilang taon.  Ang tagal din nun ha. Mula nung nasabotahe ko yung carbonara na dapat Noche Buena namin noong college ako, hindi na ko uli sumubok magluto.  In fainess naman sa 'kin, bago ko gawin yung carbonara na yun, hindi pa ako nakalapit sa kalan.  Ni hindi ako marunong magprito o maggisa.  Ang alam ko lang nun e magpakulo ng tubig para sa pancit canton. Hehehe!  Kaya nga may pagka-ambisyosa talaga ako nung carbonara pa ang pinili kong iluto.  Kahit yung dalawang aso namin eh biglang naging choosy, ayaw din kainin yung carbonara.    Sinimulan ko uli magluto noong June yata yun.  Madami na rin ako nailuto,kagaya ng binagoongan, salpicao, kaldereta, sinigang na hipon, sirloin steak, ribeye steak at beef and mushrooms.

Naisip ko lang, parang pag-ibig din pala ang pagluluto.  Kung gusto mo rin magluto, huwag ka susuko.  Hindi katulad ko, na isang kapalpakan lang e sumuko na.  Para lang din akong sawi sa pag-ibig na hinintay ang maraming taon bago umibig uli.  Nakakahinayang, kung tinuloy ko pa din ang pagluluto, baka magaling na ako magluto ngayon.  Totoo naman na sa bawat kapalpakan natin, sa kusina man or sa pagibig, meron tayong natututuhan. Kaya dapat huwag matakot sumubok.  Sa pagluluto, hindi maiiwasang masugat o mapaso.  Kaya dapat lang na mag-ingat. Pero habang nag-iingat, enjoy lang.


Minsan,kahit gano mo paghirapan at subukan pagandahin yung putahe mo, pumapalpak pa din at maaring hindi magugustuhan ng iba.  Ang importante lamang, huwag matakot ayusin ang niluto o kaya man pagbutihin mo pa sa susunod na pagluto ng putaheng iyon.  At kung hindi naman talaga kaya, at hindi talaga para sa yo, humanap ka ng ibang putahe.  Yung masasabi mong sa'yo talaga. Signature dish kumbaga.  Yung kaya mong iluto. Kaya mong panindigan. Masasabi mong wlang kulang at masarap talaga.  At pag ihahanda na ang pagkain, siguraduhin, wag masyado mainit dahil nakakapaso, wag din naman malamig dahil nakakawalang gana. Tandaan, tamang timpla at tamang init lang.

No comments:

Post a Comment